Proverbs 10

Ang mga Kawikaan ni Solomon

1Narito ang mga kawikaan ni Solomon:

Ang anak na marunong ay ligaya ng magulang, ngunit ang anak na hangal ay nagbibigay ng kalungkutan.
2Ang kayamanang nakuha sa masamang paraan ay hindi makapagbibigay ng anumang kabutihan, ngunit ang matuwid na pamumuhay ay makapagliligtas sa iyo sa kamatayan.
3Hindi hinahayaan ng Panginoon na magutom ang mga matuwid, ngunit ipinagkakait naman niya ang hangad ng mga masama.
4Nagpapahirap ang katamaran, ngunit ang kasipagan ay nagpapayaman.
5Ang nag-iimbak ng pagkain kapag anihan ay anak na marunong, ngunit ang anak na laging tulog kapag anihan ay kahiya-hiya.
6Ang taong matuwid ay pinagpapala; ang bibig ng masamang tao ay nakakapinsala.
7Ang alaala ng taong matuwid ay mananatili magpakailanman, ngunit ang masamang tao ay makakalimutan.
8Sumusunod sa mga utos ang taong marunong, ngunit ang nagsasalita ng kamangmangan ay mawawasak.
9May kapayapaan ang taong namumuhay nang matuwid, ngunit ang masama ang pamumuhay ay malalantad.
10Ang taong mandaraya ay gulo ang nililikha at ang taong nagsasalita ng kamangmangan ay mapapahamak.
11Ang salita ng taong matuwid ay makatutulong sa buhay ng iba, ngunit ang mga salita ng taong masama ay makapipinsala.
12Ang galit ay nagpapasimula ng kaguluhan, ngunit ang pag-ibig ay nagpapatawad ng lahat ng kasalanan.
13Nagsasalita ng karunungan ang taong may pang-unawa, ngunit ang walang pang-unawa ay nagsasalita tungo sa kanyang kapahamakan.
14Nagdadagdag ng kaalaman ang taong may karunungan, ngunit ang mga hangal ay nagsasalita tungo sa kanyang kapahamakan.
15Seguridad ng mayaman ang kanyang kayamanan, ngunit kapahamakan naman ng mahirap ang kanyang kahirapan.
16Ang gantimpala ng matuwid ay maganda at mahabang buhay, ngunit ang gantimpala ng masama ay kaparusahan.
17Ang taong nakikinig sa pagtutuwid sa kanyang pag-uugali ay mapapabuti at hahaba ang buhay, ngunit ang taong hindi nakikinig ay maliligaw ng landas.
18Ang nagkikimkim ng galit ay sinungaling, at ang naninira sa kanyang kapwa ay hangal.
19Ang taong masalita ay madaling magkasala. Ang tao namang marunong ay pinipigilan ang kanyang dila.
20Ang salita ng matuwid ay mahalaga tulad ng pilak, ngunit ang isip ng masama ay walang kabuluhan.
21Sa salita ng matuwid marami ang nakikinabang, ngunit ang mga hangal ay mamamatay dahil walang pang-unawa.
22Ang pagpapala ng Panginoon ay nagpapayaman at hindi niya ito dinadagdagan ng anumang kalungkutan.
23Ang kaligayahan ng hangal ay ang paggawa ng kasamaan, ngunit ang kaligayahan nang nakakaunawa ay ang mamuhay nang may karunungan.
24Ang kinatatakutan ng taong masama ay mangyayari sa kanya, ang hinahangad naman ng taong matuwid ay makakamit niya.
25Kapag dumating ang pagsubok sa buhay na parang bagyo, maglalaho ang taong masama, ngunit mananatiling matatag ang taong matuwid.
26Ang tamad na kinukunsumi ang kanyang amo ay gaya ng suka na nakakangilo at ng usok na nakakaluha.
27Ang may paggalang sa Panginoon ay hahaba ang buhay, ngunit ang taong masama ay iigsi ang buhay.
28Ang pag-asa ng matuwid ay magbibigay ng kaligayahan, ngunit ang pag-asa ng masama ay walang katuparan.
29Ang pagsunod ng matuwid sa pamamaraan ng Panginoon ay mag-iingat sa kanya, ngunit ang mga suwail dito ay mapapahamak.
30Ang matuwid ay hindi paaalisin sa kanyang lupain, ngunit ang masama ay paaalisin.
31Ang bibig ng matuwid ay puno ng karunungan, ngunit ang dila ng sinungaling ay puputulin.
32Alam ng taong matuwid ang angkop at tamang sabihin, ngunit ang alam lang sabihin ng taong masama ay puro kasamaan.
Copyright information for TglASD