Exodus 39:22-31

Ang Iba pang Damit ng mga Pari

(Exo. 28:31-43)

22Tumahi rin sila ng damit-panlabas ng mga pari. Ang mga ito ay napapatungan ng espesyal na damit. Ang telang ginamit nila sa pagtahi ng damit-panlabas ay lana na purong asul. 23Ang mga damit na itoʼy may butas sa gitna para sa ulo at may parang kwelyo para hindi ito mapunit. 24Nilagyan nila ang palibot ng laylayan ng damit ng mga palamuting korteng prutas na pomegranata, na gawa sa pinong telang linen na binurdahan gamit ang lanang kulay asul, ube at pula. 25 26Nilagyan nila ng mga gintong kampanilya ang laylayan ng damit sa pagitan ng palamuting hugis pomegranata. Ang damit na ito ang isusuot ni Aaron kapag naglilingkod na siya sa Panginoon. Ginawa nila itong lahat ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.

27Gumawa rin sila ng panloob na mga damit para kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki. Pinong linen ang tela na kanilang ginamit. 28Ganito rin ang tela na ginamit nila sa paggawa ng mga turban, mga panali sa ulo at panloob na mga damit. 29Ang mga sinturon ay gawa rin sa pinong telang linen na binurdahan gamit ang lanang kulay asul, ube at pula. At napakaganda ng pagkakaburda nito. Ginawa nila itong lahat ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.

30Gumawa sila ng parang medalya na purong ginto at inukit nila ang mga salitang ito, “Ibinukod para sa Panginoon,” katulad ng pagkakaukit sa pantatak. 31Itinali nila ito sa harap ng turban sa pamamagitan ng asul na panali. Ginawa nila itong lahat ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.

Copyright information for TglASD