1 Samuel 27
1At nasabi ni David sa kaniyang sarili, Ako'y mamamatay isang araw sa kamay ni Saul: walang anomang bagay na mabuti sa akin kundi ang tumakas sa lupain ng mga Filisteo; at si Saul ay mawawalan ng pagasa tungkol sa akin, upang huwag na akong pag-usigin sa lahat ng mga hangganan ng Israel: sa gayo'y tatakas ako mula sa kaniyang kamay. 2At si David ay bumangon at lumipat, siya at ang anim na raang lalake na nasa kaniya, kay Achis na anak ni Maoch na hari sa Gath. 3At tumahan si David na kasama ni Achis sa Gath, siya at ang kaniyang mga lalake, bawa't lalake ay kasama ang kaniyang sangbahayan, sa makatuwid baga'y si David pati ng kaniyang dalawang asawa, si Ahinoam na taga Jezreel at si Abigail na taga Carmelo na asawa ni Nabal. 4At nasaysay kay Saul na si David ay tumakas na napatungo sa Gath: at hindi na niya pinagusig siya uli. 5At sinabi ni David kay Achis, Kung ngayo'y nakasumpong ako ng biyaya sa iyong paningin, bigyan nila ako ng isang matatahanan sa isa sa mga bayan sa lupain, upang ako'y tumahan doon: sapagka't bakit tatahan kasama mo ang iyong lingkod sa bayan ng hari? 6Nang magkagayo'y ibinigay ni Achis sa kaniya ang Siclag nang araw na yaon: kaya't ang Siclag ay nauukol sa mga hari sa Juda hanggang sa araw na ito. 7At ang bilang ng mga araw na itinahan ni David sa lupain ng mga Filisteo ay isang buong taon, at apat na buwan. 8At umahon si David at ang kaniyang mga lalake, at sinalakay ang mga Gesureo, at ang mga Gerzeo, at ang mga Amalecita; sapagka't ang mga yaon ay dating nangananahan sa lupain, mula nang gaya ng kung ikaw ay paroroon sa Shur, hanggang sa lupain ng Egipto. 9At sinaktan ni David ang lupain, at walang iniligtas na buhay kahit lalake o babae man, at dinala ang mga tupa at ang mga baka, at ang mga asno, at ang mga kamelyo, at ang mga kasuutan; at siya'y bumalik, at naparoon kay Achis. 10At sinabi ni Achis, Saan kayo sumalakay ngayon? At sinabi ni David, Laban sa Timugan ng Juda, at laban sa Timugan ng mga Jerameeliteo, at laban sa Timugan ng mga Cineo. 11At walang iniligtas na buhay si David kahit ng lalake o ng babae man, upang dalhin sa Gath, na sinasabi, Baka sila'y magsumbong laban sa atin, na sabihin, Ganoon ang ginawa ni David, at gayon ang kaniyang paraan sa buong panahon na kaniyang itinahan sa lupain ng mga Filisteo. 12At naniwala si Achis kay David, na nagsasabi, Kaniyang ginawa na ang kaniyang bayang Israel ay lubos na nakayayamot sa kaniya: kaya't siya'y magiging aking lingkod magpakailan man.
Copyright information for
TagAngBiblia