Acts 4
1At nang sila'y nangagsasalita pa sa bayan, ay nagsilapit sa kanila ang mga saserdote, at ang puno sa templo, at ang mga Saduceo, 2Palibhasa'y totoong nangabagabag sapagka't tinuruan nila ang bayan, at ibinalita sa pangalan ni Jesus ang pagkabuhay na maguli sa mga patay. 3At sila'y kanilang sinunggaban at kanilang ibinilanggo hanggang sa kinabukasan: sapagka't noon nga'y gabi na. 4Datapuwa't marami sa nangakarinig ng salita ay nagsisampalataya; at ang bilang ng mga lalake ay umabot sa mga limang libo. 5At nangyari nang kinabukasan, na nangagkatipon sa Jerusalem ang kanilang mga pinuno at mga matanda at mga eskriba; 6At si Anas, na dakilang saserdote, at si Caifas, at si Juan, at si Alejandro, at ang lahat ng kalipian ng dakilang saserdote. 7At nang kanilang mailagay na sila sa gitna nila, ay sila'y tinanong, Sa anong kapangyarihan, o sa anong pangalan ginawa ninyo ito? 8Nang magkagayo'y si Pedro, na puspos ng Espiritu Santo, ay nagsabi sa kanila, Kayong mga pinuno sa bayan, at matatanda, 9Kung kami sa araw na ito'y sinisiyasat tungkol sa mabuting gawa na ginawa sa isang taong may-sakit, na kung sa anong paraan gumaling ito; 10Talastasin ninyong lahat, at ng buong bayan ng Israel, na sa pangalan ni Jesucristo ng taga Nazaret, na inyong ipinako sa krus, na binuhay ng Dios na maguli sa mga patay, dahil sa kaniya ay nakatindig ang taong ito sa inyong harap na walang sakit. 11Siya ang bato na itinakuwil ninyong mga nagtayo ng bahay, na naging pangulo sa panulok. 12At sa kanino mang iba ay walang kaligtasan: sapagka't walang ibang pangalan sa silong ng langit, na ibinigay sa mga tao, na sukat nating ikaligtas. 13Nang makita nga nila ang katapangan ni Pedro at ni Juan, at pagkatalastas na sila'y mga taong walang pinagaralan at mga mangmang, ay nangagtaka sila; at nangapagkilala nila, na sila'y nangakasama ni Jesus. 14At nang mangakita nila ang taong pinagaling na nakatayong kasama nila, ay wala silang maitutol. 15Datapuwa't nang sila'y mangautusan na nilang magsilabas sa pulong, ay nangagsangusapan, 16Na nangagsasabi, Anong gagawin natin sa mga taong ito? sapagka't tunay na ginawa sa pamamagitan nila ang himalang hayag sa lahat ng nangananahan sa Jerusalem; at hindi natin maikakaila. 17Gayon ma'y upang huwag nang lalong kumalat sa bayan, atin silang balaan, na buhat ngayo'y huwag na silang mangagsalita pa sa sinomang tao sa pangalang ito. 18At sila'y tinawag nila, at binalaan sila, na sa anomang paraan ay huwag silang magsipagsalita ni magsipagturo tungkol sa pangalan ni Jesus. 19Datapuwa't si Pedro at si Juan ay nagsisagot at nagsipagsabi sa kanila, Kung katuwiran sa paningin ng Dios na makinig muna sa inyo kay sa Dios, inyong hatulan: 20Sapagka't hindi mangyayaring di namin salitain ang mga bagay na aming nangakita at nangarinig. 21At sila, nang mapagbalaan na nila, ay pinakawalan, palibhasa'y hindi nangakasumpong ng anomang bagay upang sila'y kanilang mangaparusahan, dahil sa bayan; sapagka't niluluwalhati ng lahat ng mga tao ang Dios dahil sa bagay na ginawa. 22Sapagka't may mahigit nang apat na pung taong gulang ang tao, na ginawan nitong himala ng pagpapagaling. 23At nang sila'y mangapakawalan na, ay nagsiparoon sa kanilang mga kasamahan, at iniulat ang lahat ng sa kanila'y sinabi ng mga pangulong saserdote at ng matatanda. 24At sila, nang kanilang marinig ito, ay nangagkaisang itaas nila ang kanilang tinig sa Dios, at nangagsabi, Oh Panginoon, ikaw na gumawa ng langit at ng lupa at ng dagat, at ng lahat ng nangasa mga yaon: 25Na sa pamamagitan ng Espiritu Santo, sa pamamagitan ng bibig ng aming amang si David, na iyong lingkod, ay sinabi mo, Bakit nangagalit ang mga Gentil, At nagsipaghaka ang mga tao ng mga bagay na walang kabuluhan? 26Nagsitayong handa ang mga hari sa lupa, At ang mga pinuno ay nangagpisanpisan, Laban sa Panginoon, at laban sa kaniyang Pinahiran. 27Sapagka't sa katotohanan sa bayang ito'y laban sa iyong banal na Lingkod na si Jesus, na siya mong pinahiran, ang dalawa ni Herodes at ni Poncio Pilato, kasama ng mga Gentil at ng mga bayan ng Israel, ay nangagpisanpisan, 28Upang gawin ang anomang naitakda na ng iyong kamay at ng iyong pasiya upang mangyari. 29At ngayon, Panginoon, tingnan mo ang kanilang mga bala: at ipagkaloob mo sa iyong mga alipin na salitain ang iyong salita ng buong katapangan, 30Samantalang iyong iniuunat ang iyong kamay upang magpagaling; at upang mangyari nawa ang mga tanda at mga kababalaghan sa pangalan ng iyong banal na si Jesus. 31At nang sila'y makapanalangin na, ay nayanig ang dakong pinagkakatipunan nila; at nangapuspos silang lahat ng Espiritu Santo, at kanilang sinalita na may katapangan ang salita ng Dios. 32At ang karamihan ng mga nagsisampalataya ay nangagkakaisa ang puso at kaluluwa: at sinoma'y walang nagsabing kaniyang sarili ang anoman sa mga bagay na kaniyang inaari: kundi lahat nilang pag-aari ay sa kalahatan. 33At pinatotohanan ng mga apostol na may dakilang kapangyarihan, ang pagkabuhay na maguli ng Panginoong Jesus: at dakilang biyaya ang sumasa kanilang lahat. 34Sapagka't walang sinomang nasasalat sa kanila: palibnasa'y ipinagbili ng lahat ng may mga lupa o mga bahay ang mga ito, at dinala ang mga halaga ng mga bagay na ipinagbili, 35At ang mga ito'y inilagay sa mga paanan ng mga apostol: at ipinamamahagi sa bawa't isa, ayon sa kinakailangan ng sinoman. 36At si Jose, na pinamagatang Bernabe ng mga apostol (na kung liliwanagin ay Anak ng pangangaral), isang Levita, tubo sa Chipre, 37Na may isang bukid, ay ipinagbili ito, at dinala ang salapi at inilagay sa mga paanan ng mga apostol.
Copyright information for
TagAngBiblia