2 Kings 18:13-27

Nilusob ng Asiria ang Juda

(2 Cro. 32:1-19; Isa. 36:1-22)

13Nang ika-14 na taon ng paghahari ni Hezekia, nilusob ni Haring Senakerib ng Asiria ang lahat ng napapaderang lungsod ng Juda at sinakop ito. 14Kaya nagpadala ng mensahe si Haring Hezekia sa hari ng Asiria sa Lakish: “Nagkasala ako sa pagrerebelde ko sa iyo. Ibibigay ko ang kahit anong hihilingin mo, basta umalis ka lang dito sa amin.” Kaya pinagbayad ng hari ng Asiria si Haring Hezekia ng mga sampung toneladang pilak at isang toneladang ginto. 15Ibinigay ni Hezekia ang lahat ng pilak na nasa templo ng Panginoon at ang nasa kabang-yaman ng palasyo. 16Ipinatanggal ni Hezekia pati na ang mga ginto na nakabalot sa mga pintuan at hamba
hamba: sa Ingles, “doorpost.”
ng templo ng Panginoon at ibinigay niyang lahat sa hari ng Asiria.

17Ipinadala ng hari ng Asiria ang pinuno ng mga kumander, mga punong opisyal, at ang kumander ng mga sundalo niya. Kasama nila ang napakaraming sundalo mula sa Lakish para harapin si Haring Hezekia sa Jerusalem. Tumigil sila malapit sa may daluyan ng tubig na nasa itaas ng lugar na pinag-iimbakan ng tubig kung saan naglalaba ang mga tao. 18Ipinatawag nila si Haring Hezekia, pero ang pinapunta ng hari ay sina Eliakim na anak ni Hilkia, na namamahala ng palasyo, Shebna na kalihim at Joa na anak ni Asaf, na namamahala ng mga kasulatan sa kaharian. 19Sinabi sa kanila ng kumander ng mga sundalo, “Sabihin nʼyo kay Hezekia na ito ang sinasabi ng makapangyarihang hari ng Asiria:

“ ‘Ano ba ang ipinagmamalaki mo?
20Sinasabi mong maabilidad at malakas ang mga sundalo mo, pero walang kabuluhan ang mga sinasabi mo. Sino ba ang ipinagmamalaki mo at nagrerebelde ka sa akin? 21Ang Egipto ba? Ang bansang ito at ang hari nito ay parang nabaling tungkod na nakakasugat sa kamay kapag ginamit mo. 22Maaari ninyong sabihin na nagtitiwala kayo sa Panginoon na inyong Dios, pero hindi baʼt ikaw din Hezekia ang nagpagiba ng mga sambahan niya sa matataas na lugar pati ng mga altar nito. At sinabi mo pa sa mga nakatira sa Jerusalem at mga lungsod ng Juda na sumamba sila sa nag-iisang altar doon sa Jerusalem?’

23“Ngayon inaalok ka ng aking amo, ang hari ng Asiria. Bibigyan ka namin ng 2,000 kabayo kung may 2,000 ka ring mangangabayo! 24Hindi ka mananalo kahit sa pinakamababang opisyal ng aking amo. Bakit Umaasa ka lang naman sa Egipto na bibigyan ka nito ng mga karwahe at mangangabayo. 25Iniisip mo bang hindi ako inutusan ng Panginoon na pumunta rito? Ang Panginoon mismo ang nag-utos sa akin na lusubin at lipulin ang bansang ito.”

26Sinabi nina Eliakim, Shebna at Joa sa kumander ng mga sundalo, “Pakiusap, kausapin mo kami sa wikang Aramico, dahil naiintindihan din namin ang wikang ito. Huwag mong gamitin ang wikang Hebreo dahil maririnig ka ng mga taong nasa mga pader ng lungsod.” 27Pero sumagot ang kumander, “Inutusan ako ng aking amo na ipaalam ang mga bagay na ito hindi lang sa inyo at sa inyong hari kundi sa lahat ng naninirahan sa Jerusalem. Magugutom at mauuhaw kayong lahat kapag nilusob namin kayo. Kaya kakainin ninyo ang inyong mga dumi at iinumin ninyo ang inyong mga ihi.”

Copyright information for TglASD