Exodus 31:1-11

Ang mga Manggagawa ng Toldang Sambahan

(Exo. 35:30–36:1)

1Sinabi ng Panginoon kay Moises, 2“Pinili ko si Bezalel na anak ni Uri at apo ni Hur, na mula sa lahi ni Juda. 3Pinuspos ko siya ng aking Espiritu
Espiritu: o, kapangyarihan.
para bigyan siya ng kapangyarihan na magkaroon ng karunungan at kakayahan sa anumang gawain:
4sa paggawa ng magagandang bagay na ginto, pilak at tanso, 5sa paghuhugis ng mamahaling mga bato, sa paglililok ng kahoy at lahat ng klase na gawang kamay. 6Pinili ko rin si Oholiab na anak ni Ahisamac, na mula sa lahi ni Dan, para tumulong kay Bezalel. Binigyan ko rin siya ng kakayahan sa anumang gawain para magawa nila ang lahat ng iniutos kong gawin mo: 7ang Toldang Tipanan, ang Kahon ng Kasunduan at ang takip nito, at ang lahat ng kagamitan sa Tolda – 8ang mesa at ang mga kagamitan nito, ang lalagyan ng ilaw na purong ginto at ang lahat ng kagamitan nito, ang altar na pagsusunugan ng insenso, 9ang altar na pagsusunugan ng mga handog na sinusunog at ang lahat ng kagamitan nito, ang planggana at ang patungan nito, 10ang banal at magandang damit ni Aaron at ng mga anak niya na isusuot nila kapag naglilingkod na sila bilang mga pari, 11ang langis na pamahid at ang mabangong insenso para sa Banal na Lugar. Gagawin nila itong lahat ayon sa iniutos ko sa iyo.”

Copyright information for TglASD