Exodus 39:1-7

Ang mga Damit ng mga Pari

(Exo. 28:1-14)

1Tumahi rin sina Bezalel ng banal na mga damit para sa mga pari ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises. Ang telang ginamit nila ay lanang kulay asul, ube at pula. Ito rin ang telang ginamit nila sa pagtahi ng damit ni Aaron.

Ang Espesyal na Damit ng mga Pari

(Exo. 28:6-14)

2Nagtahi rin sila ng espesyal na damit
espesyal na damit: sa Hebreo, efod.
ng mga pari. Ang telang ginamit nila ay pinong linen na binurdahan gamit ang lanang kulay asul, ube at pula.
3Gumawa sila ng sinulid na ginto sa pamamagitan ng pagpitpit sa ginto at paghahati-hati rito nang manipis. Pagkatapos, ibinurda nila ito sa pinong telang linen, kasama ng lanang kulay asul, ube at pula. Napakaganda ng pagkakaburda nito. 4May dalawang parte ang damit na ito, sa likod at harap, at pinagdudugtong ito ng dalawang tirante sa may balikat. 5Ang sinturon nito ay gawa sa pinong telang linen na binurdahan ng gintong sinulid at lanang kulay asul, ube at pula. Ginawa nila itong lahat ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.

6Ikinabit nila ang mga batong onix sa balangkas na ginto. Inukitan nila ito ng pangalan ng mga anak ni Jacob
Jacob: sa Hebreo, Israel.
gaya ng pagkakaukit sa pantatak.
7Ikinabit nila ito sa mga tirante ng espesyal na damit bilang mga alaalang bato para sa lahi ng Israel. Ginawa nila itong lahat ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.

Copyright information for TglASD