Mark 2:18-22

Ang Tanong tungkol sa Pag-aayuno

(Mat. 9:14-17; Luc. 5:33-39)

18Nang minsang nag-aayuno ang mga tagasunod ni Juan na tagapagbautismo at ang mga Pariseo, lumapit ang ilang mga tao kay Jesus at nagtanong, “Bakit po nag-aayuno ang mga tagasunod ni Juan at ang mga Pariseo pero ang mga tagasunod nʼyo ay hindi?” 19Sumagot si Jesus, “Maaari bang hindi kumain ang mga panauhin sa kasalan habang kasama pa nila ang lalaking ikakasal? Siyempre, hindi! 20Ngunit darating ang araw na kukunin sa kanila ang lalaking ikakasal, at saka sila mag-aayuno.”

21 Sinabi pa ni Jesus, “Walang nagtatagpi ng bagong tela sa lumang damit, dahil uurong
uurong: sa Ingles, “shrink.”
ang bagong tela kapag nilabhan at lalo pang lalaki ang punit.
22Wala ring naglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat, dahil puputok ang sisidlan at matatapon ang alak, at pareho itong hindi na mapapakinabangan. Sa halip, inilalagay ang bagong alak sa bagong sisidlang-balat.”
Sinabi ni Jesus ang mga paghahambing na ito upang ituro sa kanila na hindi maaaring paghaluin ang mga itinuturo niya at ang mga lumang katuruan ng mga Judio.


Copyright information for TglASD