Mark 7:14-23

Ang Nagpaparumi sa Tao

(Mat. 15:10-20)

14Muling tinawag ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila, “Makinig kayong lahat sa akin at unawain ang sasabihin ko. 15Hindi ang pumapasok sa bibig ng tao ang nagpaparumi sa kanya, kundi ang mga lumalabas sa kanya.” 16[Kayong mga nakikinig, dapat nʼyo itong pag-isipan!]

17Pagkatapos, iniwan niya ang mga tao at pumasok sa bahay. Nang nasa loob na siya, tinanong siya ng mga tagasunod niya kung ano ang ibig sabihin ng talinghaga na iyon. 18Sinabi ni Jesus sa kanila, “Bakit, hindi nʼyo pa rin ba naiintindihan? Hindi nʼyo ba alam na anumang kainin ng tao ay hindi nakakapagparumi sa kanya? 19Sapagkat anuman ang kainin niya ay hindi naman sa puso pumupunta kundi sa kanyang tiyan, at idudumi rin niya iyon.” (Sa sinabing ito ni Jesus, ipinahayag niya na lahat ng pagkain ay maaaring kainin.) 20Sinabi pa ni Jesus, “Ang lumalabas sa tao ang nagpaparumi sa kanya sa paningin ng Dios. 21Sapagkat sa puso ng tao nagmumula ang masamang pag-iisip na nagtutulak sa kanya na gumawa ng sekswal na imoralidad, pagnanakaw, pagpatay, 22pangangalunya, kasakiman, at paggawa ng lahat ng uri ng kasamaan tulad ng pandaraya, kabastusan, inggitan, paninira sa kapwa, pagyayabang, at kahangalan. 23Ang lahat ng kasamaang ito ay nanggagaling sa puso ng tao, at siyang nagpaparumi sa kanya.”

Copyright information for TglASD