Mark 7:24-30

Ang Pananampalataya ng Babaeng Hindi Judio

(Mat. 15:21-28)

24Umalis si Jesus mula roon at pumunta sa mga lugar na malapit sa Tyre. Pagdating niya roon, tumuloy siya sa isang bahay. Ayaw sana niyang malaman ng mga tao na naroon siya; pero hindi rin niya ito naitago. 25 26Sa katunayan, nalaman agad ito ng isang ina na may anak na babaeng sinaniban ng masamang espiritu. Ang babaeng itoʼy taga-Fenicia na sakop ng Syria, at Griego ang kanyang salita. Pinuntahan niya agad si Jesus at nagpatirapa sa paanan nito, at nagmamakaawang palayasin ang masamang espiritu sa kanyang anak. 27Pero sinagot siya ni Jesus sa pamamagitan ng isang kasabihan, “Dapat munang pakainin ang mga anak, dahil hindi tamang kunin ang pagkain ng mga anak at ihagis sa mga aso.” 28Sumagot ang babae, “Tama po kayo, Panginoon, pero kahit mga aso sa ilalim ng mesa ay kumakain ng mga mumo na nailalaglag ng mga anak.” 29Kaya sinabi ni Jesus sa kanya, “Dahil sa sagot mong iyan, maaari ka nang umuwi. Lumabas na sa anak mo ang masamang espiritu.” 30Umuwi nga ang babae at nadatnan ang anak niya sa higaan, at wala na nga ang masamang espiritu sa kanya.

Copyright information for TglASD