Numbers 21:21-30

Natalo si Haring Sihon at si Haring Og

(Deu. 2:26–3:11)

21Ngayon, nagsugo ng mga mensahero ang Israel kay Sihon na hari ng mga Amoreo. Ganito ang kanilang mensahe: 22Kung maaari ay payagan nʼyo kaming dumaan sa inyong lupain. Hindi kami dadaan sa inyong mga bukid, o ubasan o iinom sa inyong mga balon. Dadaan lang kami sa inyong pangunahing daan hanggang sa makalabas kami sa inyong teritoryo.

23Pero hindi pumayag si Sihon na dumaan ang mga Israelita sa kanyang teritoryo. Sa halip, tinipon niya ang kanyang mga sundalo at nagpunta sila sa disyerto para salakayin ang mga Israelita. Pagdating nila sa Jahaz, nakipaglaban sila sa mga Israelita. 24Pero pinagpapatay sila ng mga Israelita, at inagaw nila ang kanilang lupain mula sa Arnon papunta sa Ilog ng Jabok. Pero hanggang sa hangganan lang sila ng lupain ng mga Ammonita dahil ang kanilang hangganan ay napapaderan.
ang kanilang … napapaderan: sa Septuagint, Jazer ang tawag sa kanilang hangganan.
25Kaya naagaw ng mga Israelita ang lahat ng lungsod ng mga Amoreo at tinirhan nila ito, pati ang Heshbon at ang lahat ng baryo na sakop nito. 26Ang Heshbon ang kabisera ng lungsod ni Sihon na hari ng mga Amoreo. Natalo niya noon ang isang hari ng Moab at inagaw niya ang lahat ng lupain nito hanggang sa Arnon. 27Iyan ang dahilan kung bakit sinasabi ng mga makata na,

“Pumunta kayo sa Heshbon, ang lungsod ni Sihon, at muli nʼyo itong ipatayo.
28Noon, sumasalakay ang mga sundalo ng Heshbon katulad ng naglalagablab na apoy at lumamon sa bayan ng Ar na sakop ng Moab at sumira sa mataas na lugar ng Arnon. 29Nakakaawa kayong mga taga-Moab! Bumagsak kayong mga sumasamba sa dios na si Kemosh. Kayo na mga anak niya ay pinabayaan niyang mabihag ni Sihon na hari ng Amoreo. 30Pero ngayon, bagsak na ang mga Amoreo. Nagiba ang lungsod ng Heshbon, pati ang Dibon, Nofa at Medeba.”

Copyright information for TglASD